
Ang Lungsod ng Cebu ay ang kabisera ng lalawigan ng Cebu sa Pilipinas at ang ikalawang pinakamahalagang sentrong urbano ng bansa. Matatagpuan ang lungsod sa pulo ng Cebu at ang ang pinakamatandang paninirahang Kastila sa bansa, mas matanda pa sa kapital ng bansa, ang Maynila. Cebu City ay tinatawag din bilang “Queen City of the South”at naging isa sa mga magandang destinasyon ng mga turista sa Pilipinas.
Ang Cebu ay isang lugar na talagang babalik at babalikan mo. Tiyak na madaming lugar ang iyong mapupuntahan dito at hindi lamang ang mga lugar ang babalik balikan mo dito kundi ang mga pagkain at ang mga napakamamabait na mga tao dito. Noong nakaraang tatlong taon, pumunta kami ng aking pamilya sa Cebu upang mag relaks at mag saya. Talaga ba namang sulit at masaya ang pag punta namin dito.
Una naming dinayo ay ang Lapu-Lapu Shrine. Ang Lapu-Lapu Shrine ay isa sa magagandang lugar na napuntahan ko sa Cebu. Nirerekomenda ko ang mga turista na dumayo dito dahil marami tayong matututunan tungkol sa buhay ni Lapu- Lapu. Bukod sa kaalaman sa buhay niya, maganda din ang mga tanawin at mayroon ding napakalaking estatwa ni Lapu-Lapu dito. Talaga namang mapapabalik tanaw ka sa mga ambag ni Lapu-Lapu para sa ating bansa dahil sa kaniyang kalakasan at kabayanihan.
Ang sunod naman naming pinuntahan ay ang Magellan’s Cross. Ang krus ay nasaloob ng isang kapilya katabi ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu sa Kalyeng Magallanes, sa harapan lamang ng sentro ng lungsod ng Cebu. Sa isang pananda sa ilalim ng krus ay nagsasaad na ang orihinal na krus ay nasa loob ng isang kahoy na krus na nasa gitnang bahagi ng kapilya. Ito ay upang protektahan ang krus mula sa mga taong tumatapyas ng bahagi ng krus. Ngunit naniniwala ang ilan, na ang orihinal na krus ay nawasak o nawala pagkatapos ng pagkamatay ni Magallanes at ang krus ay isang replika lamang na itinanim ng mga Espanyol matapos tuluyang masakop ng mga Espanyol ang Pilipinas. Ngunit, sa mga impormasyon na dito marami kang matututunan ukol sa mga pangyayare noong unang panahon. Napakaganda ng kisame nito na talaga namang dinadayo rin ng karamihan at pwede ka mag-alay ng dasal dito.

Ang pangatlong lugar na aming pinuntahan ay ang Basilica Minore del Santo Niño de Cebu kung saan ito ay may mga maraming imahen ng Sto. Nino De Cebu.
Isa sa dinadayo ay ang Sinulog Festival ng Cebu City, kapistahan ni Sr. Sto. Nino. Ito ang pinakamagandang pista na ginugunita tuwing ika 3 linggo ng buwan ng Enero. Tradisyon na ito sa mga tao at dinadayo ito ng higit na milyon ka tao. May parada na magaganap at may presentasyon ang bawat lugar. May ibang tao naman na pupunta lang ng Cebu City para magdiwang lang ng pistang ito. Mae-enjoy talaga ng lahat ang okasyon na ito.


Ang pangapat na lugar na aming pinuntahan ay ang Fort San Pedro. Ang Fort San Pedro ay may lumang mga gamit na ginagamit noong unang panahon. Makikita rito ang mga canyon na ginamit sa gera. Makikita mo din dito ang mga litrato ng lumang gusali ng syudad ng Cebu. Ang kasaysayan din ng lugar kung paano ito nagsimula at kung ano ang mga naganap noon, kagaya na lamang ng pagdating ni Magellan at ang pananakop nila sa Cebu. May mga lumang kayamanan din dito. Patok naman sa badyet dahil sa halagang 20 pesos makakapasok kana rito. Ma e-enjoy mo talaga ang lugar kasama ang pamilya.

Sinubukan din namin ang Skywalk sa Cebu na nasa Crown Regency Hotel & Towers. Ito din ang isa sa pinakamataas na gusali sa Cebu. Ito ang lugar kung saan matatanaw mo ang buong Cebu. Dito ko naramdaman ang totoong takot dahil ang gusaling ito ay mayroong tatlong put pitong palapag. Ngunit, kahit nakakatakot mang subukan hindi parin nawala ang saya na naramdaman namin sa mga oras na ito.

Ang panghuli ay ay pagkain ng mga Cebuano. Ang masasabi ko lang ay, sila ay may magagaling na panlasa. Halos lahat ng pagkain nila ay masasarap tulad nalamang ng Cebu lechon, dried mangoes at ang tuyo. Dahil sa kasarapan ng kanilang mga pagkain, marami rami ang aming nabili na pasalubong. Napakasarap ng mga pagkain nila na talagang hahanap-hanapin ng iyong dila at talagang babalik-balikan mo sa sarap.
Talagang babalikan ko ang Cebu dahil napakasaya ang karanasan ko dito. Di lamang sa kagandahan ng lugar at sarap ng pagkain kundi dahil sa mga napakabait at napakasayahin ng mga tao dito. Talagang mararamdaman mo na para kang parte ng kanilang lugar. Isa sa pinakamagandang lungsod na aking napuntahan ang Cebu. Siguradong babalikan ko ang lugar na ito!